Beautyganda
Maaraw ngunit
hindi ka natinag
Malamang parang
gatas na balat ang
nabanaag
Muntik pa yata
akong mabulag
Kay ganda mo kasing
tinitingnan sa iyong sinuot
Habambuhay tila
pupuwedeng mawala
ang masalimuot
Kaaya-ayang umaga
sa iyong ngiti at mga mata
Ako'y biglang tinamaan
ng isang uri ng Ginhawa
Hindi baduy, hindi rin gaano maporma
Pero bagay sayo ang
pagdadala
Salamat sa Diyos sa
iyong uri ng ganda
Ako tuloy napapasaya,
talaga, O Beautyganda!
Para Lang Tayong
Nagdurugong Puso
Sa Hardin Ng Unang Panahon
Nahalina ka yata
sa aking hardin
Minabuti kong ikaw
ay patuluyin
"Halika, pagmasdan
mo ang mga likha
ng sining!"
"Mga likas na yaman—
lupain, hangin, dagat, araw,
at mga bituin!"
Ganyan ang nakita ko
rin
sa kislap ng mata mong
tumataginting
Kasing ganda ng mga
bulaklak na maraming
gustong umangkin
Oo, luma na ang mga
tumubong punong kahoy
at iba't-iba pa ang
disenyo ng mga dahon
Hindi ba't ganyan din naman
nung nagkataong maulap
ang ating panahon?
O, Tag-ulan!
Tag-ulan lang!
'Wag sanang lumakas ang ihip
mong
hangin at sila'y tatangayin.
Mga ginintuang halaman
at karilagan ng
pagkalikha na disenyo sa
ating hardin
Mga bulaklak lang
parati ang nariyan upang
samahan ang mga
ibon—
Tila Siya ang Nagiging Musika Sa Aking Munting Mundo
Sa tugtuging Bago
walang tatalo,
ngunit sa tugtuging Luma
ay para bang
binabaon na sa lupa.
Ano pa ba ang ritmo
na gugustuhin pa niya
ngayong ako'y tumatanda na?
Ililipad ba ako ng hangin sa tuwing
oras ay nagdaraan?
Maglalahong
parang bula.. o
mawawalang parang
multo sa kadiliman?
Sa kalagitnaan nitong
gabi'y aking tatanawin,
O malayong abot-tanaw!
Nawa'y palaging
mahimbing itong
aking pagtulog
upang magising
ng tama at wasto
sa araw-araw!—
Nagsasalita Rin Ba Ang Biyolin?
Nagsasalita rin ba
ang Biyolin?
Ganyan naman sila,
pati ang Piyano.
Kung magsasabay
ay melodya lang
ang tanging habol.
Sa mga interpretasyon
lang kung magkakatalo,
sa ganda, at hugis
ng kanilang
mga naratibo.
Gaya ng ulan,
sa kanilang pagpatak
Maingay man sa iba
ay dahil ito'y
parang may binabalak
O Ingay, sa hagod, at kalampag,
tilamsik at bangayan ninyo,
Nawa'y ako'y 'wag
mapaiyak, aking di maaninag na Anino
Hindi pa man nagdaratingan ang mga ibong marikit,
sa sandaling ito,
sana'y malaman mong
nawala ka ng isang saglit.
Parang Silakbo, Damdamin Ko'y Wag Sanang Maglaho
Nung nabanggit niyang
hindi na muli pang
magkakagusto ang isang tao
sa maganda,
ako'y nabigla.
Ngunit halos naging tulala
Matimyas man ang halik
ay bugso
ng hanging umiihip
Nakaraan na 'yon
at, para lang ding alon,
si lalaking animo'y nalunod
ay masagip
Ikaw na kasi ang kalawakan!
Nasa kalagitnaan nitong
alapaap
ay aking langit
Marahil ay malalagak
na lang sa dulo nitong
mundo kong
tila bang nawaglit
Mamahalin pa rin
kita, O Ganda, malayo
man ang tala na nasa
pagtingin ko
Ngunit sa bandang
'yan, hindi ko pa rin
malaman kung
itong pagkasawi ay totoo
Ang Pagdilim ng Kalawakan ay May Ningning Din
Minsan nagtanong ako kung bakit may
magaganda pa sa mundo.
Alangan namang
sasagutin ako ng
Diyosa ng Kagandahan
dahil wala yata
akong kilalang
ganon.
(Mayroon ba'ng ganon?)
Marami kasing
klase ng marikit,
mga pang-akit..
Anu-ano ang
kaakit-akit
at bakit?
Ako ngayo'y hindi
natatawa
—dahil nandiyan
ka na.
Kung ako man ay liliparin tungo sa
dilim ng himpapawid,
Marahil nakikita ng
Diyos (o mga Diyos)
itong aking pagtawid.
Ako'y sasamahan ba
sa mundo na parating
may balakid?
Susundan ba
sa kanilang probinsyang
may gintong bukid?
Patag na lupa, luntiang
kay ganda at ang bahay
na bato
Matatag na sandigang
naipatayo nila laban sa
bagyo!
Nanay at Tatay, ina
o ama ko
Kailan pa kayo naging Santo?
pagtikim sa kinaumagahan
magandang mangkok
sabaw na mainit pa
sisimulan mo na ba?
kay gandang tingnan
ang tingkad ng
kaniyang kutis
ang umaninag
sa moderno na silid
kaniyang ganda'y
aking nasilayan
sa madilim
na paligid
katapusan na yata
ng aking daigdig
nang aking nadama
marahil
tunay na pag-ibig
—ang 'yong halaga (walang pamagat/previously untitled)
ang 'yong halaga
ang ating
hinahanap
kinabukasang
walang kapantay
susundan
naturang
inaasam-asam
na mga yapak
kalakip ay dugo,
pawis, at luha..
o, luhaang buhay,
tila
nakalimutang
mga panaginip!