Bakas

Nakatayo ka sa may dalawang daan

Sinisipat-sipat mo kung saan

Wala ka bang nakikitang pag-kakaiba

Dahil parehas lamang sila?



Patag at iisa lang ang patutunguhan?



Ika'y tumapak sa napili mong puntahan

Hindi mo ba namalayan

Na may pag-kakaiba ang dalawang daan



At ang pinili mong lakaran

Ay kung saan

Mga paa mo pala’y madudungisan





At sa iyong pagyapak

Narumihan nga ang iyong mga paa

Ngunit ikaw ay may nadama

Init at sarap haplos na naganap



At sa iyong pagkalingat

Ikaw ay napakurap

Dumi sa iyong paa'y

Dali-dali mong pinagpag



Tumalilis kang humaharurot

At bumaling sa kabila

IIling-iling na may bulong

At sinasabi mong.....



"Di mangyayari ang ganito"

Kibit-balikat mong itinatwa

Sapagkat ayaw mong madungisan

Ni kaunting bahid ng karumihan



Hindi mo ba namalayan

May dumi ka ring iniwanan

Dumi na bumaon sa kaibuturan

Sa kulay na iyong iniwan



Maaring sa iyong paghuhugas

Putik ng karumihan ay lilipas

Ngunit ang iyong duming iniwan

malalim na sugat, panibughong bakas.


View msblue's Full Portfolio