Kilala ko ang hugis na iyon: ang katawan, ang tindig, ang lakad na papalapit. Dalawampung talampakan ang aming pagitan. Sa bawat hakbang ay lumilinaw ang detalye. Kilala ko ang mga detalye na iyon: ang maamong mukha, ang maningning na mga mata, ang nakangiting mga labi. Sa limang talampakang pagitan: nakilala ko ang mga galaw: ang pagkapawi ng ngiti, ang pagpihit ng mga paa, ang pagtalikod. Dalawampung talampakan muli ang aming pagitan. Kilala ko ang hugis na iyon: ang ulong di lumilingon, ang mga hakbang na papalayo. Lagi lagi ko iyong nakikita sa aking pagrampa. Lagi laging ganun ang eksena.