Para kay Balentino

Folder: 
Filipino poems

Magandang gabi sa iyo.



Salamat sa naggagandahang bulaklak na ipinadala mo, ngayo'y mistulang may burol sa kwarto.  Salamat sa mamahaling tsokolateng ni hindi umabot sa bibig ko dahil pinaspasan ng mga dinaanang tao. Salamat din sa greeting card na hindi ko maintindihan ang nakasulat dahil tila kinahig ng manok, liban lang sa bahaging I LOVE YOU.



Tama ba ang nabasa ko? Nawa'y hindi ka naghihintay ng sagot.  Nawa'y trip trip lang ang tatlong salitang iyon.  Kasi kundi...eto...



Bakit naman kita sasagutin? Kailangan mo ba ng kahati kapag kakain sa karinderia? Ng kainuman kapag nababato ka? Ng kasama sa biglang liko pag nangati ka? Hindi ata girlfriend ang kelangan mo, mukhang iba.



At hihirit ka pa...eto pa...



Bakit naman kita dapat mahalin?  Ano naman ang ikinaiba mo sa kanilang mga dumating, dumaan, nagpasasa at lumisan?



Pero teka...



Bakit naman kita hindi sasagutin, e kung magkakaroon naman ako ng kahati sa pagkain sa karinderia, ng kainuman kapag nababato ako, at kasama sa biglang liko pag gustong magkamot?



At bakit naman hindi kita dapat mahalin, e kung iba ka naman pala sa kanilang mga dumating, dumaan, nagpasasa at lumisan?



Hay...o sige, salamat na rin sa bulaklak, maganda naman talaga, at ngayon lang ako nabigyan ng ganyan.  Salamat sa tsokolate, nasarapan sila. Salamat din sa card, may translator naman ako eh.



Salamat sa oras mo, pero sana bukas, makalimutan mo na ako...



Nangangahas,



Balentina

Author's Notes/Comments: 

Written: Feb. 16, 2007

View kyoksil's Full Portfolio