Lungsod ng Alaala

Folder: 
Filipino poems

Mabilis ang lipad ng usok

mula sa rumaragasang mga sasakyan

sinasabayan ang humaharurot kong isip.



Sa likod ng bakanteng upuan

na nasa aking harapan

ay ang kalsada

at ang nagtataasang gusali.



Tinitigan ko ang mga ito

hanggang maglaho

ang kanilang mga kulay. Bumusina ang malakas mong tawa

sa aking tenga

at nakita na lamang kitang nakaupo

sa aking harapan.



Umarangkada ka ng kuwento

tungkol sa kung paano mo nalusutan

ang napakahirap nating mga exam.



Pero



biglang pumreno ang iyong halakhak

nang matanaw mo ang tumawid na luha

sa aking mukha;

bukas kasi

ay sasampa ka na sa barko

at ako

sa eroplano.



Ipinikit ko ang aking mga mata

upang ikubli ang pait.



Ginulat ako ng busina ng mga sasakyan

na humaharurot sa kalsada

na nasa likod ng bakanteng upuan

na nasa aking harapan.

View kyoksil's Full Portfolio