Pagtitimpi

Folder: 
Filipino poems

Isinabit ko ang pain sa sima

bago marahang itipanon sa tubig.



Sampu



Dalawampu



Tatlumpu



Apatnapu



Limangpung minuto



Naramdaman kong may kumibit sa pain.

Unti-unti itong bumigat

kasabay ng paglukso

ng puso ko sa galak

at ng pagbulong ng isip:



(Kapag hinila ko ang sima ng maaga

maaaring hindi pa nakakakagat ang huli.

Kapag hinila ko ng huli na

maaaring mapigtas ang pisi.)



Umasa na lamang sa pakiramdam,

sa palagay

na tama na ang oras

ng pag-ahon.



Kumislot ang isda.

Suminghap nang kumawala sa tubig,

nagpumilit lumaya

subalit sumuko rin sa huli.



Tumalon ang aking puso,

umalon ang akin isip:



(Kapag hinawakan ko ang isda

maaari akong masugatan.

Kapag hindi ko agad isinilid

maaari pa akong matakasan.)



Dali-dali kong hinablot ang sisidlan.

Inilagay ang huli,

pinatid ang tali

at tinakpan.



Iniuwi ko ito sa tatlong paslit

na umaasam ng hapunan.



Inihain ko ang aking napakagandang huli.

Sa mga mata nila ay may pagtanggi.

Ang isda ay maliit

at gusto namin ay karne.



Kaya’t ako’y muling lumisan

upang humanap ng karne.

View kyoksil's Full Portfolio