Ritwal

Folder: 
Filipino poems

Tahimik ngayon ang pusod ng syudad.

Habang sumisikad ang araw

sa likod ng nagtataasang mga gusali

ay gumagapang ang mga sasakyan sa kalsada

at nagkakarera ang mga tao sa bangketa.



Tulad kahapon.



Kasama ng mga bakanteng upuan

sa loob ng tindahan

ng mga kapeng dayuhan,



hinihintay kita.



Tanging kapiling ko

ay mainit na kapeng

nakabubutas ng bulsa,



Tangan ko

ang mapagkunwaring pluma

upang magmistulang abala,



Tinititigan ko

ang nagmamadaling relo

na hinahabol ng aking hinga,



gunita ay sumisitsit

sa isip na naiidlip,

marapat nang tumayo

ngunit paa ay napapako



hinihintay kita.

View kyoksil's Full Portfolio