Pangingisda

Folder: 
Filipino poems

Lagi-laging ganito



Isasabit ko ang pain sa sima

bago marahang itatapon sa tubig.

Bibilang ng

segundo

minuto

oras



Biglang gagalaw ang tali.

Unti-unting bibigat

sabay sa paglukso ng galak sa puso,

sabay sa pagbulong ng isip:



(Kapag maagang hinila ang sima

baka hindi pa nakakagat ng husto ang huli.

Kapag naghintay pa ng mamaya,

baka mapigtas ang pisi.)



Makikiramdam,

Maghihintay,

Tsaka hihilain ang pisi.

Kikislot ang isda

habang kumakawala sa tubig.

Magpupumilit itong lumaya

pero susuko rin sa huli.



Lulukso sa galak ang aking puso,

magtatalo ang isip:



(Kapag hinawakan ko ang isda

maaari akong masugatan.

Kapag hindi ko agad isinilid

maaari pa akong matakasan.)



Madalas pipiliin ang mabilis na pagsisilid

dahil sa gutom na naniniit.



Matatapos ang araw.

Mauubos ang huli.

Kapag nakaramdam ng gutom

mangingisda na lang muli.


View kyoksil's Full Portfolio