Humiyaw ang kampana.
Tinatawagan ang taumbayan
upang saksihan ang aking libing.
Binalot ako ng puting tela
na banyaga sa aking balat.
Marahan akong inalalayan ni Itay
palabas sa puting karo.
May lungkot ang kapit ni Itay.
Tumatangis naman si Inay.
Naghihimutok ang presas na gown ni ate.
Nagluluksa ang barong ni bunso.
Mula sa pintuan ng simbahan
natanaw ko:
ang mga bulaklak,
nakapila sa gilid ng mga upuan;
ang hilera ng mga upuan,
punong-puno ng mga tao
na bumabaong tinik
ang mga titig;
ang makisig mong ngiti
habang nakatayo sa tapat ng altar;
si kuya
na nakangisi sa iyong tabi.
Umaalingawngaw ang kanyang tinig
sa aking isip
habang altar ay papasapit,
May kailangan mamatay
upang ang nakararami ay mabuhay.