Dalawang oras na kitang tinititigan;
ang maitim at tuwid mong katawan
na kikisap-kisap lamang
sa aking harapan.
Wari ay hinihintay ako
na ika’y utusan
na tawirin
ang puti mong
sandalan.
Paano kang nakatatagal
nang nakasandal lang d’yan
habang mata ko’y naluluha
sa katititig sa iyo?
Paano ka nakatatagal
sa mag-isang pag-andap,
at paghihintay
ng mga pulpol na daliri
upang utusan ka
na gumalaw;
umusap?
Tapos,
kung hindi kaaya-aya
ang iyong inilalahad;
pababalikin ka.
Ipapakain sa iyo
ang mga salita
pabalik sa simula.
Tapos,
aandap-andap ka ulit;
kikisap-kisap ka ulit;
mag-isa.
Dalawang oras na kitang tinititigan.
Mangyayari pa kaya na kusa kang magtatakda
ng mga letrang bubuo ng mga salita?
Mangyayari pa kaya na kusa kang maglahad
ng makabuluhang mga talata?
Higit sa iyong inaakala ang aking pangangailangan.
Ang katuparan ng aking aking tagumpay
ay ang pagmulat ng iyong kamalayan.