Nawawala ka sa buwan ng pag-ibig.
Tulad ngayon at noong
1809, 1847, 1866, 1885, 1915, 1934 at 1961.
Saan huhugutin ng magsintang
magkahawak-kamay
ang kabuuan ng kabuwanan?
Hindi ko sinusuntok ang buwan.
Tinatapik lamang ako ng anino ng kahapon,
kung paanong nag-iingat
ang magdaragat kapag tumataib ang alon.
Nakatundos sa dibdib mo ang panandang alaala,
nang unang kabuwanan:
ang aninong likha ng unang bigat
ng hakbang at talampakan,
bago lumapat at magkamapa
sa iyong sinapupunan
ang kakambal na halubigat.
Kung mawala ka man,
tulad ngayon,
huwag mo akong hulugan ng sundang.
Ako
Ako na mangingibig ng daigdig.