Tahasang tumutok ang talim na galit
sa munting de latang para sa pulutan.
At tinirang lata ay tadtad ng saknit.
Tuwang-tuwang tunay sa latang nasakmit
mula sa tindahang puno ng tuksuhan.
Tahasang tumutok ang talim na galit.
Tinitig-titigan di lang isang saglit,
bago pa ang lata'y dagling tinuluyan.
At tinirang lata ay tadtad ng saknit.
Saknit na mula pa sa maraming saplit
ng hayok na nasang sagad sa sukdulan.
Tahasang tumutok ang talim na galit.
Ang kawawang lata'y di inda ang sakit
nang ito'y mabuksa't mapagparausan.
At tinirang lata ay tadtad ng saknit.
Tinapon ang latang tiwangwang at gamit,
ngayon na mayroong bagong pang hapunan.
Tahasang tumutok ang talim na galit
at tinirang lata ay tadtad ng saknit.