Habang nagaayos ng kulurete'y
nagkekwenta ng pamasahe.
Syete pesos sa traysikel,
syete sinkwenta sa dyip.
Araw araw na sistema
bago pumasok sa eskuwela.
Alas syete y medya.
Ganado ang inglesera.
Magtuturo ng pagsulat
sa estudyanteng minumulat
sa ingles, na nais nilang matutuhan
nang sa Amerika'y makapagpayaman.
Ingles sa umaga.
Hanggang tanghali inglesara.
Kasunod na babanataan
ay pakikipagtalastasan.
Tamang boses na pandiga
at diksyon na pang Amerika.
Komunikasyong pangnegosyo:
Mga bata'y kelangan matutuhan ito
nang sila'y makasulat
ng resume na panggulat,
at sa interbyu sila'y makasagot
nang hindi nanlalambot.
Mula komunisyon
sa sining tatalon.
Utak ay pipigain
upang maiba ang hain,
dahil humanidades na ang pasan
at pangdaigdigang panitikan.
Matapos ang inglesan,
tagalog naman ang turuan.
Dila'y medyo malilito
dahil sa pagpapalit ng takbo.
Ngunit utak ay pipigain
nang pagbasa't pagsulat ay kayanin.
Komunikasyo'y walang problema.
Ang sining ay kayang kaya.
Pagbasa't pagsulat ay gayundin.
Ngunit may ilang aaralin,
Ang Philippine History at Society,
muntik pang pati NSTP.
Mahaba ang isang araw
pero pag-ihi'y ninanakaw.
Pagkai'y pinapaspasan
Oras ay dinadasalan
Upang uwian ay agad madama
nang sa bahay ay makapahinga.
Hapo at wala nang kulurete,
magkekwenta ng pamasahe.
Syete sinkwenta sa dyip
Syete pesos sa traysikel,
Araw araw na sistema
Pagpasok at paguwi mula eskuwela.