Lumalakas buhos ng ulan sa bubong

Folder: 
Filipino poems

Lumalakas buhos ng ulan sa bubong

Ngayon tahimik ang buong kabahayan

‘Di na alintana ang sakit ng tumbong

Ako’y lumarga tungo sa kakahuyan



Ngayon tahimik ang buong kabahayan

Binalot mga damit na bibitbitin

Ako’y lumarga tungo sa kakahuyan

Palayo sa kahapong aking pasanin



Binalot mga damit na bibitbitin

Sukbit sa balikat na may bahid itim

Palayo sa kahapong aking pasanin

Palayo sa buhay na puno ng rilim



Sukbit sa balikat na may bahid itim

Kahit pa masakit mga pasang taglay

Palayo sa buhay na puno ng rilim

Pangako sa sarili ay bagong buhay



Kahit pa masakit mga pasang taglay

Ako’y mananakbo palayo sa iyo

Pangako sa sarili ay bagong buhay

Malayo sa malulupit na kamao



Ako’y mananakbo palayo sa iyo

Bago dignidad ay tuluyang mapawi

Malayo sa malulupit na kamao

Sa iyong pananakit, sa buhay na sawi



Bago dignidad ay tuluyang mapawi

Malupit na pakitungo’y tataksan

Sa iyong pananakit, sa buhay na sawi

Kahit pa umiibig, ako’y lilisan



Malupit na pakitungo’y tataksan

‘Di na alintana ang sakit ng tumbong

Kahit pa umiibig, ako’y lilisan

Lumalakas buhos ng ulan sa bubong


View kyoksil's Full Portfolio
tags: