Hindi paglimot ang tugon sa kalungkutan
Tulad ng sinasabi ng nakararami
Pagyakap sa bukas lamang ang kasagutan
Madalas magpayo ang mga kaibigan
Pag sawi’y magsaya, lumimot, ‘yan ang sabi
Hindi paglimot ang tugon sa kalungkutan
Sa isang taong malalim na nasugatan
At may pait na sa puso ay humahabi
Pagyakap sa bukas lamang ang kasagutan
Dahil tiyak na ‘di naman malilimutan
Paligid ay nagpapaalala palagi
Hindi paglimot ang tugon sa kalungkutan
Pagtanggap sa mga pait ng nakaraan
Ang maniwala na may bukas naman lagi
Pagyakap sa bukas lamang ang kasagutan
Kahit pa puso’y nasagad na sa sukdulan
Sa isip pa rin ay tiyak na may sasagi
Hindi paglimot ang tugon sa kalungkutan
Pagyakap sa bukas lamang ang kasagutan