Binalot ng karimlan
Salitang naglagablab
Ina sa kapwa ina
Kamuhi-muhi ang hindi dumadalo
Ang sa Linggo ng Diyos ay ‘di sumalo
Ito ay pangaral ng inang minahal
Sa anak na buhay ay puno ng gulo
Sa isang pagkakataong ‘di ninais
Sumampal sa mukha masakit na wika
Ngunit ‘di tumambad sa tukay na tukoy
Bagkus ay sa paslit na munti ang diwa
Lahi ng demonyo kayong ‘di dumalo
Ang sa Linggo ng Diyos ay ‘di sumalo
Sa munting isip ng paslit ay lumantad
Ang paslit na ang buhay rin ay nagulo
Isang inang ninais ay tamang daan
Sa anak, sa apong minahal nang wagas
Nagturo ng aral, talino at tapang
Sa anak na sa mundo ay bumalikwas
Namunga ng tapang ang punla sa puso
Tumubo ang talino na itinanim
Subalit anak na ina ay namuhi
Sa inang nagkulay sa apo ng itim
Demonyo ang lahi, kayong ‘di lumuhod
Sa Linggo ng Diyos kayo’y nakalimot
Pangaral na pinagmulan ng alitan
Sa halip na pag-ibig, bunga ay poot
Mapait na salita sa isa’t isa
Ina sa ina ‘di magkapatawaran
Ina sa anak ‘di kailanman luluhod
Anak sa ina, naging isang labanan
Naglaban ang dugo, ina, anak, ina
Pilit pagtagpui’y sasabog ng husto
Laban ng dugo na dahil din sa dugo
Sa magkalimutan, doon ay nanakbo
Ina laban sa ina
Ina laban sa anak
Anak laban sa ina