Nagumpisa sa wala, natapos sa wala
Ang buhay ng lagalag na tao
Hindi n’ya alam saan s’ya maguumpisa,
Hindi n’ya alam saan ang tungo
Ang buhay ng lagalag na tao
Hinaharangan ng pader ng katamaran
Hindi n’ya alam saan ang tungo
Ang mga mata n’ya tila pinipiringan
Hinaharangan ng pader ng katamaran
Sa lipunan s’ya ay sumusuway
Ang mga mata n’ya tila pinipiringan
Sa bawat araw, gulo at away
Sa lipunan s’ya ay sumusuway
Kanyang kabuhayan, pagkapit sa patalim
Sa bawat araw, gulo at away
At ngayon sa puting krus s’ya ay umilalim
Kanyang kabuhayan, pagkapit sa patalim
Kunsensya’y pilit s’yang sinusupil
At ngayon sa puting krus s’ya ay umilalim
Huli na para sa pagpipigil
Kunsensya’y pilit s’yang sinusupil
Hindi n’ya alam saan s’ya maguumpisa
Huli na para sa pagpipigil
Nagumpisa sa wala, natapos sa wala