Anong ginawa ko ngayong araw?
Naiwan ang mga plantsahin ko
Labahi’y ‘di nabilad sa araw
Lababo’y puro maruming plato
Mga ulam nanatiling hilaw
Alikabok sa bahay, namuro
Trabaho ko’y aking naiwanan
Sa ‘sang buong araw na nagdaan
Ngunit saan ako huhulihin?
Sa silid, nagkakanaw ng gatas
ng sanggol na basa na ang lampin
Doon ay naghihintay ng oras
Dahil mam’ya siya’y paiinumin
ng gamot, tapos ay maglalanggas
ng isang batang mayroong sakit
Ang isang kawawang munting paslit
Kaya’t anong ginawa ko ngayon?
Sa trabaho ko ay ‘di nagsapat
Nagpabaya sa buong maghapon
At sa isang paslit itinapat
ang marami sa aking panahon
Kung sanggol ay natuwa, marapat
sapat ang aking mga ginawa
saki’y malinaw, iyon ay tama