Kakabit ng pusod ang buhay na biniyayaan
Liwanag sa landas ng aking kamusmusan
Gurong nagbigay aral sa munting isipan
Ikaw ang inang tinatangi kailanman
Sa murang edad ako’y ginabayan
Tinuran ng wasto at mga maling dapat iwasan
Iminulat sa aral ng simbahan
Ehemplong nais ay kabaitan
Sa bawat taon na nilakbay
Ikaw ang may akay upang ‘di sumuway
Sa maling landasin inilayo’t ginabay
Subalit nabitag pa rin ng hukay
Iniluha ng lubos ang kapalarang inabot
Ng anak na sa hirap ay pilit mong hinablot
Subalit malayo at di mo na naabot
Panahon ay naglaro, ako’y nakalimot
Sa bawat landas na aking dinaanan
Maraming butas ang kinahulugan
At sa bawat paglubog pilit nakipaglaban
At sa bawat bangon aral ang natutunan
Subalit sa pagbalik ko’y ibang katauhan
Marahil isang ‘di mo nagugustuhan
Pilit ipaunawa’y tila ‘di magkatagpuan
Ikaw at ako, magkaiba ng kinahantungan
May anghang na ang bawat salita
Bawat pagkakatao’y naghahanap ng wika
Na sumusumbat sa bawat isa
Tungo’y pasakit at luha
Nais kong hingin iyong paumanhin
Sa bawat luha’t pasanin, ako’y patawarin
Sa aking pagtahak ng ibang landasin
Na hindi angkop sa iyong adhikain
Ipagpaumanhin mo na ako’y nag-iba
Hindi natulad sa pagkatao mo ina
Marahil ito ay dikta ng tadhana
Panahon ang naglatag na tayo’y magkaiba
Subalit ‘di kahulugan nito na ika’y di alintana
Pag-ibig sayo’y higit pa rin sa salita
Nais lamang na iyong maintindiha’t makita
Magkarugtong man ang pusod, tayo pa ri’y magkaiba