Pagkakait

Folder: 
Filipino poems

Naglakad ng paluhod sa Quiapo

Sumayaw na rin sa Obando

Hinaplos na ang kahoy na diyos

Sa wakas patitikimin Mo

Ngunit iyon ay sadya ngang patikim

Dahil saglit lang ay nawala



Naglaho, ang regalo ay nawala

Sayang ang pagluhod sa Quiapo

Buwan, taon, isa lang  patikim

Sayang ang sayaw sa Obando

Hindi ba nararapat sa tingin Mo?

Bakit mo binawi o Diyos?



Tanging nais lang naman o Diyos

Mabuo ang saki’y nawala

Handang maging ina sa bigay Mo

Kahit pa bumalik sa Quiapo

At muling sumayaw sa Obando

Sana ay ‘di lamang patikim



Masakit, dinanas na patikim

Ako’y pagkaitan oh Diyos

Lahat ay binigyan sa Obando

Ang saki’y binawi, nawala

Dininig mga dasal sa Quiapo

Ako ay binalewala Mo



Huli na ako sa regalo Mo

‘Di raw pwede kahit patikim

Kahit pa magdasal dun sa Quiapo

Isang ina’y ‘di na o Diyos

Pagasa ng sanggol ay nawala

Kahit magsayaw sa Obando



Ubusin man indak sa Obando

Ngayon man ako ay dinggin Mo

Pag-asang maging ina’y nawala

Abala’y wag na kung patikim

Hindi na rin darating o Diyos

Lumuhod man muli sa Quiapo



Sayaw sa Obando. ‘sang patikim

Pinagkait Mo na o Diyos

Pag-asa’y nawala dun sa Quiapo

View kyoksil's Full Portfolio