*Fugue

Folder: 
Filipino poems

 

Marso otso, dalawang libo at pito:

 

Ang itim na panyo

na katerno ng itim na damit

ay hindi maiwalay ng mga kamay

sa lumuluhang pinid na mga mata.

 

Napapagod:

sa ingay ng iyakan,

sa tunog ng lupang dinadakot

at itinatapon

upang ikaw ay ilibing,

sa mga gunita

ng iyong bisig,

ng iyong halik.

 

Nakasisinok isipin

ang pag-iisang haharapin.

 

Dagling pinihit ang katawan

at nakipagunahan

sa malayang hangin

palayo sa hukay

ng sakit.


Sa gusaling tulugan

ng mga manlalakbay nanahan

at isinakatuparan

ang pagpupumiglas sa kaloobang

kay tagal ikinadena

ng karuwagan.


Itinapon

ang nagluluksang kasuotan.

Nagliwaliw.

Nagsaya.


At gabi-gabi,

sa harap ng maamong salamin

pinupuri ang tapang

ng mga pulang damit.


Marahang pumipikit

at kinumbinsi ang isip,


Ako ang kapalit ng katotohanan.

 

Mulat at gulat.

May pulang panyo

na katerno ng damit na hapit,

nakalaylay sa kamay.

 

Nabibingi

sa katahimikan;

sa nawawalang tunog

ng lupang dinadakot.

 

Dagling pumihit.

Isang salaming bintana

ang nakadipa

sa dingding

at kinukumutan

ng kurtinang puti.

 

Isang lampara

ang nagbibigay liwanag

sa nag-iisang unan

na nakahiga sa kama.

Isang piping telebisyon.

 

Humiyaw

ang isang orasan

na may tala-arawan.

 

Tulirong tinitigan ang tala-arawan.

Nangatal ang katawan.

Ang petsa na napagtanto'y:

 

Marso disi-otso, dalawang libo at pito.

 

Author's Notes/Comments: 

• isang estado ng pag-iisip kung saan nawawalay ang persona, alaala at ugali ng isang maykatawan at nakabubuo siya ng iba pang pagkatao o persona. Kadalasan, inaakala ng may katawan na nakatulog lamang s'ya. Ito ay kadalasang pagtakas ng isip sa mga mapapait na karanasan.

View kyoksil's Full Portfolio