Ang luhaang ulap ay muling yumakap
sa pagod na langit na ‘di makadilat.
Sa lakas ng hangi’y sandaling nangarap
at sa kanyang isip, pumiglas ang pilat.
Araw noo’y hari nang ika’y lumuhod
at mangakong hanggang sa dulong panahon.
Sa buong tag-init ay puno ng lugos;
Hanggang sa ang araw ay biglang tumalon.
Hayagang hinamon ng hampas ng hangin
ang iyong pangakong labis na pag-ibig.
Paglao’y mabilis napilit, ikaw ay umamin;
Naiwan na siyang may buhay sa bisig.
Ngayo’y langit na lang ang kanyang karamay,
aking pasamano’y laging kaagapay.