Pangamba’t takot ay nagsisiping
Sa dibdib ng inang naghihintay
Iyong mga sipa’y nanggigising
Ngunit sa panaho’y sumusuway
Tatlumpu’t walo, bilang ay husto
Oras na upang mundo’y batiin
Ngunit iho, ano’t tila lito?
Sa bawat araw ay nabibitin
Tumatakbo ang araw, kay bilis
Paroo’t parito na sa paglakad
Nagbabakasakaling mawangis
Ano mang oras ang iyong palad
Huwag matakot, halina’t sumilip
At sa mundo ay makiulayaw
Pasensya kung kami’y naiinip
Kami lamang sa tulad mo’y uhaw
Pangamba’t takot ay nagsisiping
Sa dibdib ng inang naghihintay
Sana ay dinggin ang aking hiling
Dito na sa labas magpasaway