Mata Ng Nakaraan

Di ko man lang pinilit ang direksyon ng aking mga mata.

Nang biglang kumalat sa buong paligid ang galak at saya.

Bumagal pati takbo ng oras sa di inakalang pagkikita.

Isang babae sa nakaraan ang nasilayang nakatayo't ngumingiting tumatawa.



Sadya nga talagang loko-loko ang pagkakataon

Nang muli ang mga mata nating dal'way nagkasalubong

Sa lugar rin na minsan ay dinaanan ng ating kahapon.

Nanumbalik ang siglang matagal ng binaon ng lumang panahon.



Naisip ko tuloy kung may kakarampot kang naramdaman.

Kasama ko sa sandaling iyon ang dating kasintahan.

Sinalubong ako ng mga maniningning na mata ng nakaraan.

Wala na rin sa 'yong labi ang dating may halong kaplastikan.



Naramdaman ko ng bahagya ang ating koneksyon.

Koneksyon bang matatawag ang di sumibol na relasyon?

Ngunit naging malapit tayo sa isa't isa sa maraming taon.

Ika-ila mo man, muli mong ipinakita ang mga titig mo noon.



Limang araw ang nakalipas at bigla ka ulit lumitaw.

Naliligaw sa 'king panaginip na binabalot ng ginaw.

Nag-init ang mundo at napalitan ng masarap na galaw.

Ayaw na nating matapos, ayaw na nating bumitaw.



Di man kita iniisip ay dumadating ka't nambubulabog.

Wala na nga kayang pag-asa na tayo'y muling mahulog.

Ituloy ang pag-iibigang minsa'y nasimulang mahubog.

Kasama ang romansang hinihintay lang na sumabog.




View chosenjuan's Full Portfolio
tags: