Otso.Singko – Nwebe.Siyete (85-97). Doon Sa Marcopper.

Kay bilis lumipas ng panahong kay sarap

mga taon na di na sana pa kumurap.

Maraming mga masasayang nangyari ang nalasap.

Maraming mga kakatwang bagay ang natanggap.



Kulang pa ang kaalaman ng murang isip.

Idinilat ang mga maliliit na matang sumisilip

upang makita ang tunay na mukha ng mundo.

Ngunit sadya pa ring inosente at gulong-gulo.



Malayang paglalaro ang kay tagal ding dinamdam,

kahit mataas ang sikat ng araw ay walang pakialam.

Makapanalo sa mga laro ang tanging layunin.

Walang mga problemang kailangan pang problemahin.



Kay sarap ng pagpapalipad ng saranggola.

Inaabot kahit saan sa pagbibisekleta.

Pakikidayo sa paglalaro ng bilog na bola.

Takbuhan at paghahabulan sa malalawak na mga kalsada.



Pagtatampisaw sa tubig ng drum at swimming pool.

Barilan na kunwari’y mamatay pagnasapol.

Sa mga asong bantay ng kapitbahay ay nagpapahabol.

At pambabato sa mga ligaw na asong-ulol.



Mga teks at holens ang tanging kayamanan.

Panghuhuli ng isda at tutubi ang iba pang libangan.

Inaabot rin ng gabi sa paglalaro ng taguan.

Mga nahulog na kamias ang gamit sa kunwari’y gerahan.



May mga maliliit na mga problemang dumating.

Ngunit ito’y mga away-bata lang na kakakiting.

Suntukan na ang mga bata lang ang nakaka-alam.

Kantsawan na madali rin namang namaalam.



Mataas na pinalutang ang mga pangarap

na pinaabot hanggang sa pinakamalalayong mga ulap.

Sa bandang huli rin natin iyan mahahanap.

Huwag lamang pakakawalan at idiin ang yakap.

Author's Notes/Comments: 

memories of childhood days.

View chosenjuan's Full Portfolio
tags: