Binulabog ng pambihirang sining ng tunog
Itong isang munting silid sa Kamaynilaan.
Nagtipon-tipon ang kakaibang lahi ng kabataan.
Habang gabi'y nagsimula nang matulog
Sa indak nitong napakagandang tugtog.
At sa gitna nitong nag-iinit na silid,
Namangha at bumilib.
Lumutang ang misteryosang babaeng kaibig-ibig.
Lumuwa ang mga halimaw na matang nakatitig.
Nahati ang mga sumunod na eksena.
Di malaman ang gagawin ng torpeng pagnanasa.
At nang lumalim na ang gabi,
Nagkaroon ng lugar sa kanyang tabi.
Ngayo'y nasa 'kin na ang pagkakataon.
Damdam ang kanyang balat at pawis
habang kami'y tumatalon.
Ilan ring mga sagi ng kanyang balikat
ang aking binaon.
Sabay ang aming mga kamay sa paglipad sa ere.
At mga ulong sumusunod sa kakaibang hele.
Isinilid pa sa utak ang kanyang mga sigaw at tinig.
Pati na ang makulay niyang mga titig.
Di makalimutan ang pagsandal sa 'king mga binti
Nang minsang nagpahinga ng sandali.
Sa ilang oras ng pagtatanghal
at ang konsyerto ay tapos na.
Huling pagkakataon na siya'y makita.
Huling pagkakataon upang siya'y makilala.