Kariton..

Folder: 
Poetry in Pilipino

Tahanang may gulong
katumbas ay katiting
na agahan ang
bawat pagsulong

Pinapaurong sa mga
maliliit na kanto ng lipunan
iniipit - isinisilong
sa kailaliman ng karukhaan

Pawang pagong
sa mga rumaragasang
sasakyan ng mga panginoong -
bulag at bingi

Ngunit humihiyaw sa
bawat pagbara ng kariton
sa kanyang landas
na inangkin na ng usok
na ibinubuga ng
kanyang kayamanan

Parang walang nangyari
sa tuwing nabubundol
nila ang mga ama ng
mga tahanang may gulong

Nawalan na ng haligi
kaya ang mga paslit
ay inaampon na lamang
ng kariton

Di matukoy kung
saan sila paroroon...

View bazoora's Full Portfolio