Saan?

Folder: 
Poetry in Pilipino

sa mundong kwadrado

di mo maiwasan ang

tumingala na lamang

sa kalangitan ng iyong

pangarap



pagmasdan mo -

mga bituing mala-ilaw

sa bintana ng mga kabahayan

sa isang pook na walang hangganan

kumikinang - at sa bawat

kurap ng iyong mga mata'y

tila ba may mga nilalang

na kumakaway sa iyo

nakadaong nakangiti



sila nga kaya ang

may dala ng sagot

sa iyong mga katanungan?

isinalang at inaruga

ng inang buwan

para magbigay liwanag

sa iyong mundong kung saan

ang lamig sa iyong budhi

ay nanunuot



dito - sa madilim

na paraiso ng iyong

kahapon at ngayon

kung saan

ang bukas na iyong nakilala

ay ang kalangitan

matayog at hindi

maaring abutin

di mo matahak

sapagkat sa mundo mong ito

tinutubuan ng

pader ang bawat sulok...


View bazoora's Full Portfolio
tags: