nagngungusap ang mga
butil ng palay
sa paligid ng karimlan
umaayon sa ihip ng
hanging amihan
nagtatanong
kung sa kanilang
pagkahinog ba ay
mayroon silang maiyaalay
na sariwang bukas
para sa kalayaan
nagaalay ng buhay
na hiram sa balang
kanilang kinakandungan
sa bala ka nagtiwala
kapatid..bakit?
ikaw ba ang sumaka
sa mga umusbong na binhi
dala ng mga tumulong pawis
ng ating mga bayani?
tinatanaw ko ang
kabilang ibayo ng iyong
diwa at dangal
may nakita akong liwanag
minsan ay pinasok ng
liwanag na iyon
ang madilim na kanto
ng aking isipan
nakiayon sa daloy
ng hampasan
ng iyong hangarin
sa iyong hinuhukay
sa iyong minimithi
ngunit dumating
ang sandaling para bang
inaanod na ng hanging bagyo
ang dati ay maaliwalas
na pagindayog ng iyong
adhikain
nakakapanibago
nagbabagong anyo
kayat di ko na
nakayanang makisalamuha pa
dinadaig ka na ng iyong
idealismo kayat
iiwan na kita
sa kandungan ng bala.