Naaalala Ko Pa

Folder: 
Mga Tula

Tatlong taon,
Tatlong taon pa lang ako nun
Pero sa isipan ko'y
Para lang syang nagdaang kahapon.
Naaalala ko pa
Ang mga nilalaro kong laruan,
Ang simple naming tahanan,
Ang kutsyong lagi kong iniihian,
Naaalala ko pa
Kung pano ako patulugin ni mama
Kung pano ako biruin ni papa
Tatlong taon ako non,
Pero naaalala ko pa.
Naaalala ko din
Nung umalis kami sa bahay
Kasama ang aking nanay
Wala akong kaalam-alam
Na hindi ko na pala yun masisilayan.
Nakipagkita kami kay ninang
Si ninang na galing ibang bayan
Malakas na kutob ko nun
Na iiwanan mo na ako.
Naaalala ko pa,
Naaalala ko pa lahat
Kung pano ka nagsabing
Pupunta tayong dagat,
Kung pano mo sinabi
Na ibibili mo lang ako sa Jollibee
Naaalala ko pa lahat
Kung pano mo ako napapaniwala
Kung pano ako umiyak
Dahil hindi na kita mahanap
At oo, naaalala ko pa,
Naaalala ko pa nung pumunta kaming ibang bayan
Naaalala ko pa nung dun kami nanirahan
Sa malayong lugar kasama si ninang.
Naaalala ko rin
Nung minsan kang bumisita
At may dalang mga laruan
Tuwang-tuwa ako nun
Pero hindi ko pa rin malilimutan
Nung minsan mo akong iniwan.
Dumaan ang taon
Ako'y iyong binalikan
At kinuha sa aking ninang.
Sa kalapit na barangay
Dun tayo nangupahan
Pero ganun din naman,
Ganun din naman ang nangyari
Parati kang wala sa aking tabi.
Naaalala ko pa kung gano kadami
Ang mga pagkain sa ref
Naaalala ko pa ang mga palabas sa TV
Na s'yang sandigan ko araw at gabi
Naaalala ko pa ang mga laruang
Ni minsa'y hindi ko sa'yo pinabili
Dahil kahit kailan
Hindi mo masusuhulan
Ang iyong mga pagkukulang
Naaalala ko rin ng minsan akong lumabas
At awayin ng mga bata
Na umuwi akong luhaan
Ngunit walang masandalan
Naaalala ko rin
Nung kinder na ako
Na tuwang tuwa ako
Kasi ihahatid mo ako
Na nasundan ng nasundan ng nasundan,
Tapos wala na
Naaalala ko pa
Nung nagtatanong lagi mga classmate ko
Kung bakit laging akong may dalang susi
Na laging nakasabit sa leeg ko
Naaalala ko pa
Nung araw-araw may mga magulang
Na nagbabantay sa kanilang mga anak
Na sa tuwing lalabas na kami
Ay napupuno sila ng galak
Na minsan pinangarap kong isa ka sa mga yon
Na minsan hinintay kong dadalhan mo din ako ng baon
Naaalala ko pa
Nung nakakakita ako ng mga batang
Hinahatid ng kanilang nanay
Samantalang ako mag-isa na ngang uuwi
Wala pang tao sa bahay.
Naaalala ko pa
Nung minsan akong natinik sa isda
Na iyak ako ng iyak at wala akong magawa

Pero ni minsan hindi ako nagrebelde sa'yo
Na sinabi ko na lang na kaylangan mong magtrabaho
Na kaylangan kong makisama para hindi ka mahirapan
Dahil ang lahat ng ito'y para sa aking kinabukasan.

Lumipas ang mga taon,
Isang mahabang panahon
Panahong nagsanay saking wala ka
Hanggang sa masabi kong Kaya ko na!
Pero bakit noon,
Noong may sarili na akong mundo
Noong kaya ko na
Saka mo sakin ipapadama
Ang dapat sana'y matagal na.
Noong malaki na ako,
Noong sanay na akong mag-isa
Saka ka mangungulit,
Saka ka mambwibwisit.
Oo, nabwisit ako non,
At sa unang pagkakataon
Nasabi ko sa'yo
Ang mga bagay
Na nakapagpasama ng loob mo.
Nabwisit ako lalo
Hindi sa'yo
Kundi sa sarili ko.
Ganon pala ang pakiramdam
Kapag nanay mo na ang iyong sinisigawan
Lahat ng galit, sama ng loob,
Lahat ng iyong pagkukulang
Lahat lahat natabunan
Sa sobrang bigat sa kalooban...
Na sa sobrang bigat pinangako ko sa sarili ko
Na hinding hindi na kita sasagutin
Kahit araw-araw mo pa akong kulitin.
Naaalala ko pa.
Naaalala ko pa ang lahat ng yan
Mga sandali nating nagdaan
At ngayon, sa mga oras na 'to
Alam na alam ko na ang kasagutan
Kung bakit ko yun kaylangang pagdaanan
Pero kahit alam ko na
Hindi pa rin mawala sa aking isipan
Nung ako'y tatlong taon at ako'y iyong iniwan.

View darklion's Full Portfolio