Para sa Nagmahal, Nasaktan, at Patuloy na Umaasa

Folder: 
Mga Tula

Minsan sa buhay natin
Makakakita tayo ng taong mamahalin
Pero paano nga ba natin susukatin
Ang pag-ibig na sa ati'y dumating?

Naranasan na natin na lagi syang hanapin
Gusto laging kasama, gusto laging kapiling
Siya din siguro ang nagpakita ng saya
Sayang di mo inakalang may ganon pala
Tinuro din nya siguro sayo
Ang magagandang parte ng mundo
Na naging espesyal sa'yo
Sa maikling yugto ng buhay mo
Pero pag-ibig na ba
Ang sayang nadarama?

Naranasan mo na din sigurong manligaw
(At kung babae ka,
Malamang naligawan ka na)
Gaano naman naging katagal ang proseso?
Ang sabi ng ibang tao
Mas pahahalagahan mo
Kapag pinaghirapan mo
Pero iba ang pananaw ko
Dahil may mga taong marunong maghintay
Pero hindi marunong magmahal
At may mga taong marunong magmahal
Pero di marunong maghintay
Kaya bang sukatin ng oras at panahon
Ang pagmamahal na nadarama mo ngayon?

At sa tagal ng panahong minahal mo sya
Unti-unti mong nakita ang pagkatao nya
Na minsan mapapatanong ka na lang
Kung bakit sya biglang nagbago
Pero ang totoo
Hindi sya nagbago
Hindi mo lang talaga sya kilala
At sa kabila ng lahat ng 'to
Minahal mo pa rin sya ng buong buo
Tanggap mo sa sarili mo ang kanyang pagkatao
Masasabi na bang ang pag-ibig na to'y totoo?

Naranasan nyu na din sigurong mag-away
Oo, parte talaga yan ng buhay
Pero sino sa inyong pagtatampuhan
Ang madalas gumagawa ng paraan?
At sa tuluyan nyung paghihiwalay
Tama bang sukatan
Ang sakit na naramdaman
Para masabi mo sa lahat ng tao
Na ang pag-ibig mo ay totoo?

At sa iyong pag-iisa
Muli kang makakakita
Ng taong dapat mahalin
Pero 'di mo na kayang gawin
Dahil nakatali ka pa rin sa nakaraan
Nakaraang hindi mo kayang bitawan
Na kahit lagi s'yang nandyan
Kahit mahal ka na nya ng lubusan
Pagmamahal na katulad ng binigay mo dati
Hindi mo pa rin kayang palayain ang iyong sarili.
At sapat na ba itong dahilan upang masabing totoo,
Totoo ang pag-ibig na minsang naramdaman mo?

Para sa nagmahal,
Para sa nasaktan,
At patuloy na umaasa,
Wag kang pakatiwala sa nararamdaman mo
Hangga't hindi ka siguradong ang nararamdaman mo'y totoo
tandaang lahat ng bagay nagbabago
Kasama na dyan ang puso mo.

View darklion's Full Portfolio