Parang kahapon lamang ika'y natanaw,
Kay bilis ng sandali, puso'y sumayaw,
Ang iyong kagandaha'y nakasisilaw,
Sa kislap ng bituin, ika'y nakikitanglaw.
Danga't ikaw nga ang siyang sinisinta,
Sa tuwi-tuwina'y hanap-hanap kita,
At kapag nakita, O anong ligaya
Nitong pusong sawi, nadarama'y saya.
Ngunit tadhana'y lilo, ako'y nahapis,
Luha sa mata'y bumaba't dumalisdis:
Bakit baga sinta ako'y pinagtiis,
Hirap na ito, di ko man lang ninais?
Kasawiang palad ay agad nahinto,
Ikaw ay nagbalik, buhay ng buhay ko;
Handang patawarin ang pagkukulang mo,
Itayo ang pag-ibig sa ating mundo.